Nagbahagi si Kuya Kim Atienza ng isang madamdaming post matapos makakita ng mga sulat na iniwan ng mga taga-suporta sa puntod ng kaniyang anak na si Emman.
Ibinahagi ni Kuya Kim ang ilang larawan ng mga sulat sa kaniyang Threads.
“Visited Emmansky today. Saw some notes, you are seen and you are heard. Thank you for loving Emman,” sabi ni Kuya Kim.
Sulat ng isang taga-Las Piñas City: “Kuya Kim, naging inspirasyon si Emman para sa amin. Naging inspirasyon siyang piliin lumaban sa buhay kahit hanggang ngayon na wala na siya.”
Isa pang taga-suporta ang nagsabing regular niyang binibisita ang puntod ni Emman para makaramdam ng kaginhawaan.
“Hi Kuya Kim! My name is [hindi ipinakita] po. I’m always commenting on your posts po, Kuya Kim. Sana po mabasa mo po ’to, at soon makita po kita.”
Humingi ng paumanhin ang nagpadala ng sulat dahil sa lagi nitong pagdalaw, at nagpaliwanag na lagi itong nagpapagaan ng kaniyang loob.
“Gumagaan po kasi loob ko ‘pag andito at lagi ko napapaalalahanan sarili ko na lumaban at mabuhay.”
Sinabi pa ng mga nagsulat na inaasahan nilang makita nang personal si Kuya Kim balang araw at pinasalamatan pa siya para kay Emman, na kanila na ring minahal.
“After school, diretso po ako agad dito kahit malayo. Marami po ako ikukuwento, Kuya Kim.”
Inanunsyo ng pamilya nina Kuya Kim ang pagkamatay ni Emman sa edad 19 Oktubre ng nakaraang taon.
Sa kaniyang huling broadcast message sa Instagram, na pinost niya noong Setyembre 1, nagbahagi si Emman tungkol sa pressure sa social media at pag-break muna sa TikTok. —Jamil Santos/VBL GMA News

_2026_04_04_16_58_11.jpg)