Naka-chop-chop na nang matagpuan sa talyer ang isang rent-a-car matapos itong tangayin mula sa may-ari nitong Semana Santa. Ang kotse, nahanap gamit ang GPS habang apat na kawatan ang arestado.

“Kinuha ko po siya sir para [makatulong] din sa daily expenses naming pamilya,” sabi ng may-ari sa ulat ni Ivan Mayrina sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.

Nag-loan ang may-ari nitong Disyembre para mabili ang sasakyan nilang pampamilya, na ginagamit niya ring pang-rent-a-car kung minsan.

Sa pang-apat na beses na naarkila ang kotse ang huling pagkakataon na inarkila ito matapos itong tangayin at i-chop-chop ng mga kawatan.

Sinabi ng biktima na overnight na arkila ang usapan sa kanilang kotse, na kukunin gabi ng Huwebes Santo at ibabalik 11 a.m. ng Biyernes Santo ng isang babaeng nanghihiram.

Ikalawang beses na umanong nagrenta ng babaeng kausap niya. Walang naging problema sa unang hiram ito kaya madali siyang nagtiwala.

“Sabi niya, i-rent niya lang daw papuntang Bulacan. Kasi maghu-Holy Week doon ‘yung pamilya niya,” sabi ng may-ari.

Pagsapit ng bandang 10 a.m. ng Biyernes Santo, hindi na umano sumasagot ang nag-arkila at naka-block na siya sa chat.

Nagsimula nang magduda ang may-ari. Sa kabutihang palad, nagkabit siya ng tatlong GPS device sa kotse.

“‘Yung dalawa, sir, nagtataka na ako kung bakit hindi na siya pumapalo nang maayos. Hindi ko na siya gaanong nalo-locate nang maayos. ‘Yun pala, natanggal na. Hanggang sa may natira lang na isa, sir, na siguro ‘di pa nila nakikita. Pumalo ‘yun,” anang may-ari.

Dito na niya nakitang wala sa Bulacan ang kotse gaya ng napag-usapan, hanggang sa natunton ito sa talyer sa Barangay Doña Imelda, Quezon City.

Timbog ang apat na lalaki.

“Hindi po namin alam naman na rent-a-car. Nahila lang po kami para tumulong magkalas,” sabi ng isa sa mga suspek.

“Nag-tricycle po ako. Bale, nautusan lang po akong mag-deliver ng mga piyesa,” sabi ng isa pang suspek.

“May pinakitang papel ‘yung amo nila, katibayan na sa kaniya ‘yung sasakyan. Kaya naniniwala kami na hindi ‘yun ninakaw,” sabi ng isa pang suspek.

Nakatakdang magsampa ang pulisya ng reklamong carnapping laban sa nag-arkila at sa mastermind umano ng grupong nasa likod ng rentangay chop-chop modus.

Tinutugis na sila ng mga awtoridad.

“Previously, upon our checking doon sa ibang arrested suspect natin and at large na suspect, meron na silang mga previous cases sa anti-carnapping. So, yes, we're thinking of ‘yung conspiracy nila na aarkila tapos hindi na ibabalik ‘yung sasakyan. Diretso na sa chop-chopan,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Virgilio Jopia, Commander ng QCPD Station 11. —Jamil Santos/VBL GMA News