Patay ang isang misis matapos pagsasaksakin ng sarili niyang mister nitong Sabado de Gloria sa Angono, Rizal. Ang suspek at kanilang 15-anyos na anak, parehong kritikal.
Sa ulat ni Oscar Oida sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang footage ng pagsalakay ng Antipolo Police sa tahanan ng pamilya, na tahimik nang kanilang madatnan.
Pagpasok sa silid, bumungad sa kanila ang isang babaeng wala nang buhay, habang natagpuang duguan sa banyo ang padre de pamilya.
Nabawi sa lugar ang isang kitchen knife na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
“‘Yung suspek ay naka-lie sa bathroom with a wound in the abdomen. Labas ang kaniyang bituka. At 'yung wife ng suspek ay in bloodbath na nakahiga rin doon sa floor ng kuwarto,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Ariel Azurin, chief ng Antipolo Police.
Kritikal naman ang lagay ng 15-anyos nilang anak, habang ligtas na nakalabas ng bahay nang walang sugat ang 12-anyos niyang kapatid.
“‘Di umano sinaksak siya ng tatay niya. At nagkaroon sila ng opportunity ng kaniyang kapatid na makatakas,” sabi ni Azurin.
Hindi pa natutukoy ang motibo sa krimen.
“Based sa interview namin sa kaniyang kapatid, medyo engaged sa illegal gambling, casino. So, baka ‘yun ang dahilan kaya medyo nalubog siguro sila sa utang. Kaya minsan ‘yun ang nagiging dahilan kaya nagkakaroon ng ganiyang depression o ganiyang pag-iisip ang mga suspects. But we're still investigating the case,” ani Azurin.
Reklamong parricide, frustrated parricide, at attempted parricide ang kahaharapin ng suspek, na nananatiling kritikal ang kondisyon sa isang ospital.
Nakatanggap ng impormasyon ang GMA News mula sa Angono Rizal Police na posibleng isailalim sa drug test ang suspek, habang posibleng isailalim sa autopsy ang nasawing asawa. —Jamil Santos/VBL GMA News
