Inanunsyo ng National Food Authority o NFA nitong Biyernes na walang pekeng bigas. Ang pahayag ay ginawa matapos lumabas sa kanilang pagsusuri na totoong bigas ang mga unang inireklamo at inakalang fake rice. Dahil dito, iginiit ng mga rice retailer, walang fake rice kundi fake news lang.
Ayon sa "24 Oras" report ni Lei Alviz, sinabing natapos na ang pagsusuri ng NFA sa anim na sample ng bigas at dalawang sample ng kanin na inakalang fake rice.
Sinabing nakipag-ugnayan mismo ang NFA sa mahigit 60 katao na nag-post ng tumatalbog na kanin sa social media o nagreklamong baka 'fake rice' ang kanilang nabili.
"We have sought the assistance of our rice retailers, through the GRECON in the effort to assure the public that there is no fake rice in our country," pahayag ni Jason Laureano Aquino, NFA Administrator, pulong balitaan na ipinatawag ng Grains Retailers Confederation of The Philippines o GRECON.
Giit ng mga rice retailer, wala raw fake rice kundi fake news lang.
"Kami ay nababahala dahil ang lumabas na target ng pagmamanipula ng mga balitang ito ay ang mga kasamahan naming grains retailers na kumakayod araw-araw para magkaroon ng matinong kita," ayon retailer na si James Magbanua.
"Sa katunayan, ang aming mga kasamahang grain retailers ngayon ay hinaharass ng mga mapanamantalang mamimili," dagdag niya.Ayon naman sa retailer na si Amilkhalid Abubakar, bumagsak ng 50 porsiyento ang kanilang benta ngayong linggo dahil sa maling impormasyon.
Nagduda pa lalo ang samahan ng rice retailers sa timing ng pagsulpot ng mga post tungkol sa umano'y fake rice.
Noong 2015, ganitong panahon din daw lumabas ang katulad na isyu na natiyempo sa pagpasok ng "lean months" o panahong manipis ang supply ng bigas.
Noong 2015, lahat din ng sinuring sample ng bigas na sinasabing peke napatunayan ng NFA na totoong bigas.
Dagdag pa ng NFA, kung may gagawa umano ng fake rice, mas mahal daw ang produksyon nito kaysa sa totoong bigas. At kung may mga sumakit man ang tiyan, marami raw posibleng dahilan bukod sa bigas.
"Una, maaaring may spoilage. Puwedeng 'yung tubig na ininom o dahil sa ibang kinain," pahayag naman ni Jocelyn Sales, direktor ng NFA-Food Development Center.
Mungkahi ng rice retailers, bumuo ng rice watch ang pamahalaan kasama ang pribadong sektor para tugunan ang isyu ng umano'y fake rice.
Dapat daw hanapin at papanagutin ang sadyang nagpapakalat ng maling balita at lumilikha ng pagkabahala sa publiko na alinsunod sa isinasaad ng batas. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
