May posibilidad na nakatakas na si Isnilon Hapilon, ang umano'y pinuno ng Islamic State sa Pilipipinas, sa kalagitnaan ng giyera sa Marawi City, ayon sa isang opisyal ng military nitong Sabado.
Sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebeldeng Muslim nang tangkaing arestuhin noong Mayo 23 si Hapilon, lider ng Abu Sayyaf group at isa sa mga "most wanted" na terorista ng Amerika.
Ayon kay Lieutenant General Carlito Galvez, hepe ng Western Mindanao Command, hindi na namamataan ng tropa ni anino ni Hapilon sa Marawi City.
Kasama si Hapilon ng Maute brothers na nagplano ng pag-atake sa siyudad, ang sentro ng komersyo sa lungsod ng Lanao del Sur, base sa video na napulot ng mga militar sa war zone sa siyudad.
Idineklara ni Presidente Rodrigo Duterte ang martial law sa Mindanao kasunod ng pag-atake ng Maute group sa Marawi City.
"He (Hapilon) has not been seen in the area. We have some reports that he was already able to slip somewhere but as of now we are still confirming the reports," pahayag ni Galvez sa isang dzBB interview.
Nang tanungin kung nakatakas ba si Hapilon, sinabi ni Galvez: "Yes, yes because reportedly he suffered a lot of casualties. Majority of his group, more than half, were casualties."
Si Hapilon ay isinakdal sa Washington dahil sa kanyang pagkakasangkot sa kidnapping ng tatlong Amerikano noong 2001. May pabuyang $5 million ang gobyerno ng US sa sinumang makakahuli kay Hapilon, na nasa "most wanted" na terror list ng Amerika.
Sinasabi ng ilang security analyst na kinikilala si Hapilon ng IS bilang isang "emir" o lider sa Southeast Asia, isang lugar kung saan gustong magtayo ng teroristang grup ng isang caliphate o isang IS territory.
Sinabi pa ng militar na nakipagsanib-pwersa ang grupo ni Hapilon sa Maute Group, isa pang militanteng grupo, upang salakayin ang Marawi.
Patuloy ang matinding air raids at artillery fire sa ilang bahagi ng Marawi na sakop pa rin ng mga militante nitong Sabado, habang nakikipagbakbakan naman ang tropa ng gobyerno sa lupa upang mabawi ang lugar.
"The operation is going on, the firefights are intense. We have gained substantial ground," sinabi pa ni Galvez.
Ayon sa mga opisyal na datos, nasa 300 militante na at 67 sundalo ang napapatay sa bakbakan.
2 sa Maute brothers patay na?
Sinabi pa ni Galvez na mayroong malakas na indikasyon na dalawa o tatlo na sa mga Maute brothers -- mga pangunahing lider sa paglusob -- ang napatay, kabilang si Omarkhayam Maute, pinaniniwalaang top leader ng grupo.
Aniya, si Abdullah Maute na lamang ang nag-iisang Maute brother na malimit mamataan ng mga tropa sa war zone sa siyudad.
Sinabi naman ni presidential spokesman Ernesto Abella na kinukumpirma na ng militar ang isang intelligence report na una nang nasawi si Malaysian Mahmud bin Ahmad, na tumulong at pumondo sa Marawi siege, dahil sa mga sugat na tinamo nito.
Pero sinabi naman ni Abella na ito'y kukumpirmahin lamang ng gobyerno kapag nakita na ang mismong mga labi ni Mahmud.
Ayon sa Agence France-Presse, itinanggi ni Khalid Abu Bakar, Inspector General of Police ng Malaysia, ang pagkamatay ni Mahmud.
Sa text message sa Agence France-Presse, sinabi ni Abu Bakar na: "Not true. He is still alive."
Ayon kay Abella, may kinukumpirma ring intelligence report ang mga otoridad na may 89 dayuhang militante ngayon sa Mindanao, na nakapasok sa maluwag na maritime border ng Pilipinas at ng Malaysia at Indonesia.
Sinabi ni Galvez na narekober ng tropa ng gobyerno noong Biyernes ang dalawang naagnas na bangkay ng mga taong pinaniniwalaan nilang taga-Middle East.
Sinabi naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na walong militantengnanggaling sa Chechnya, Indonesia at Malaysia na ang napapatay sa giyera sa Marawi.
Nitong June 19, nagsagawa na ng joint patrols ang Indonesia, Malaysia at Pilipinas sa kanilang maritime borders upang harangin ang mga dayuhang militante na posibleng papasok sa bansa.
Sinabi ng Australia noong Biyernes na magpapadala ito ng dalawang high-tech spy planes upang tulungan ang mga sundalo na nakikipagbakbakan sa Marawi.
Magsisilbi itong ayuda sa technical support na ibinibigay ng bansang Amerika sa tropa ng Pilipinas. —Jamil Joseph Santos/ALG, GMA News
