Inihayag ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na sasampahan nila ng reklamo si Senador Robin Padilla at ilang pang tao dahil umano sa pagtulong kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na “makatakas” habang nasa kustodiya ng Senado.
Sa isang pahayag ngayong Miyerkoles, sinabi ng CIDG na ihahain nila sa National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ) ang reklamong paglabag sa Presidential Decree No. 1829 o obstruction of justice laban kina Padilla.
“The transport of Senator Dela Rosa was not a mere hitch ride on Senator Padilla’s car, but a highly coordinated, pre-planned logistical maneuver specifically executed to avoid detection while escaping the Senate premises in the dawn of May 14, 2026,” ayon sa CIDG.
“Furthermore, the investigation revealed that there was another vehicle tailing the car of Senator Padilla, which served as a security escort and backup car during the maneuver,” dagdag nito.
Ayon sa CIDG, ang pagsasampa ng reklamo ay alinsunod sa mandato nitong imbestigahan ang mga krimen at ipatupad ang batas nang patas at walang kinikilingan.
“When individuals actively interfere in the arrest or assist in the evasion of criminal offenders to avoid prosecution, it undermines the justice system and compromises public order,” giit ng CIDG.
“The PNP-CIDG emphasizes that any act of obstruction of justice will be met with criminal prosecution,” dagdag nito.
Kaugnay nito, nagbahagi si Padilla ng mga mensaheng panrelihiyon kaugnay ng pagdiriwang ng Eid al-Adha at nagpasalamat kay Allah habang binanggit ang ilang talata mula sa Quran tungkol sa pagsubok, pagtitiis, at pananampalataya.
“Alhamdulillah. Araw ng EID’L ADHAA dumating ang pagpapala na ito. Maraming salamat po ya Allah! SubhanaAllah. Allah hu akbar. Maraming salamat po Ya Allah at hindi niyo po pinababayaan na mapalayo sa Inyo,” bahagi ng post ng senador sa Facebook.
Nauna nang kinumpirma ng International Criminal Court o ICC na naglabas ito ng arrest warrant laban kay dela Rosa kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs noong administrasyon ni Rodrigo Duterte.
Matapos ang may limang buwan na hindi pagdalo sa sesyon ng Senado, nagpakita si Dela Rosa noong Mayo 11 at bumoto para mapatalsik si Se. Tito Sotto bilang Senate President, at ipinalit sa puwesto si Sen. Alan Peter Cayetano.
Tinangka umano ng mga ahente ng National Bureau of Investigation na arestuhin at isilbi ang ICC warrant laban kay Dela Rosa pero nabigo sila. Sa nasabing araw, isinailalim ng Senado sa kanilang kustodiya ang senador para hindi ito maaresto.
Habang naka-lockdown ang gusali ng Senado at nasa protective custody ng Senado si dela Rosa noong Mayo 13, may narinig na mga putok ng baril sa loob ng gusali ng kapulungan.
Ilang oras matapos ng putukan, nakaalis ng Senado si Dela Rosa noong May 14, dela Rosa. Nang magsagawa ng imbestigasyon at suriin ng mga awtoridad ang mga CCTV camera, nakita na magkasamang umalis ng Senado sina Dela Rosa at Padilla.
Sa isang pahayag noong Mayo 22, sinabi ni Padilla na hindi niya tinulungan si dela Rosa na "tumakas." Nakisabay umano ito sa kaniyang sasakyan at nagpababa sa Makati.
Iginiit din ng mga kaalyado ni Dela Rosa na walang balidong arrest warrant laban sa senador. Ayon kay Cayetano, kusang umalis ng Senado ang senador, at hindi maituturing tumakas.—FRJ GMA News
