Iniutos ng International Criminal Court (ICC) ng muling suriin ang kalagayan ng kalusugan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang alamin kung kaya ba niyang humarap sa paglilitis. Kaugnay nito, ipinagpaliban muna ang pagtatakda ng araw kung kailan sisimulan ang paglilitis.
Nitong Miyerkoles, inihayag ni ICC Trial Chamber III Judge Joanna Korner, na mag-uutos ang hukuman ng panibagong pagsusuri sa kakayahan ni Duterte na humarap sa paglilitis kaugnay ng kinakaharap niyang kasong crimes against humanity.
Sa unang status conference ng kaso, sinabi ni Korner na naghain ng mosyon ang kampo ni Duterte na nagsasabi na ang naunang desisyon tungkol sa kaniyang kalagayan ay para lamang sa confirmation of charges proceedings.
“You very sensibly proposed that the three gentlemen who examined him for the purposes of the confirmation proceeding should be reinstructed to reexamine him,” ani Korner.
“And we propose to make that order, hopefully either today or tomorrow,” dagdag niya.
Gayunpaman, ipinagpaliban muna ni Korner ang pagdedesisyon sa hiling ng depensa na payagang matanong ang mga eksperto.
“I rather think we’ll wait and see what the reports say before we make such a decision,” anang hukom.
Ipinahayag naman ng abogado ni Duterte na si Atty. Peter Haynes ang pagsang-ayon sa mungkahi.
Isinagawa ng Trial Chamber ang unang status conference nito noong Miyerkules upang talakayin ang petsa ng pagsisimula ng paglilitis, ang pretrial deadlines, inaasahang pagsusumite ng mga ebidensya, mga wikang gagamitin ng magkabilang panig, at mga obligasyon sa pagsisiwalat ng impormasyon, at iba pang usapin.
Dahil sa isasagawang pagsusuri muli sa kalagayan ni Duterte, sinabi ni ni Korner, “At the moment, it’s a bit difficult to set a schedule for trial until we’ve had an up to date report. But it seems to be that because of his age, and potentially medical problems, there will have to be a day off. And I see the suggestion is that it’s in the middle of the week.”
Patuloy niya, “As I say I’m reluctant at this stage without further reports and without an assessment made by the experts to set a schedule. So I propose to adjourn that until we find what the situation is.”
Ayon kay Korner, nais ng ICC Prosecution na simulan ang paglilitis kay Duterte sa November 30, habang walang iminungkahing petsa ang defense team hangga’t hindi nasusuri ang kalusugan ng dating pangulo.
Nais naman umano ng legal representative ng mga biktima na simulant ang paglilitis sa Setyembre, habang ang ICC Registry, nais na sa January 2027 ito similan dahil sa pangamba sa interpretation. – FRJ GMA News

