Nauwi sa trahediya ang paliligo sa ilog ng isang ama at dalawa niyang anak matapos silang malunod nang biglang lumakas ang agos ng tubig sa Davao City.

Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Talomo River sa Barangay Calinan Poblacion, nitong Martes ng hapon.

Inilarawan ang amang biktima na 38-anyos, habang edad apat at walo naman ang kaniyang mga anak.

Ayon sa Davao City Police Office (DCPO), unang nakita ang katawan ng pinakabatang biktima na lumulutang malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Umaga naman nitong Miyerkoles nang makita ang mga katawan ng ama at 8-anyos na biktima sa dam canal ng National Irrigation Administration (NIA).

Base sa imbestigasyon ng pulisya, naliligo sa ilog ang mag-aama nang biglang rumagasa ang tubig at tinangay ang mga biktima.—FRJ GMA News