Dalawa ang patay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City. Isa sa kanila, patulog na nang barilin sa loob mismo ng kaniyang bahay.
Sa ulat ni Jay Sabale sa "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing pinagbabaril si Ronaldo Rivera sa kanyang higaan ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin bago maghatinggabi sa St. Vincent Street, Brgy. Holy Spirit nitong Miyerkules.
Ikinuwento ng kinakasama ng biktima na patulog na sila nang may kumatok sa kanilang bahay.
Pinagbuksan umano nila ang mga kumakatok nang magpakilala raw ang mga ito na taga-barangay.
Dalawang lalaki na nakasumbrero at may takip ang mukha ang pumasok at basta na lang umano pinagbabaril si Rivera.
Umalis daw ang mga ito na tila walang nangyari matapos ang pamamaril.
"Wala po, basta-basta na lang siya binaril," pahayag ng kinakasama ng biktima.
Hindi raw niya alam kung may kinalaman sa pagtutulak o paggamit ng shabu ni Rivera.
Pero nakakuha ang mga pulis ng isang bukas na sachet ng pinaghihinalaang shabu nang imbestigahan ang crime scene.
Samantala, isang hindi pa nakikilalang lalaki ang binaril sa nabanggit din barangay.
Sinabi ng mga nakatira sa lugar na bigla na lang daw sila nakarinig ng ilang putok, hanggang nakita nilang nakabulagta na ang biktima.
Hindi raw residente sa lugar ang lalaki pero ilang beses na nila itong nakitang aali-aligid sa lugar.
Ngunit wala umanong gustong magsalita kung may nakakita sa pagbaril.
Patuloy ang imbestigasyon ng QCPD sa dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaril. -- FRJ/KVD, GMA News
