Nasa Marawi City na ang dalawang pulis na nakunan ng video sa loob ng police station na nanghambalos ng yantok at bumunot ng baril sa dalawang lalaking dinakip nila dahil sa pag-inom ng alak sa labas ng bahay.
Ayon sa Twitter post ni Allan Gatus ng dzBB nitong Miyerkules, nakarating na si PO1 Jose Julius Tandog at kasamahan niyang si PO1 Chito Enriquez sa Marawi, kung saan patuloy ang operasyon ng tropa ng pamahalaan laban sa Maute group.
JUST IN: Dalawang pulis Mandaluyong na namalo ng yantok, dumating na sa Marawi City @dzbb pic.twitter.com/xODmFQAtpN
— Allan Gatus (@allangatus) July 5, 2017
Matatandaan na binigyan ng hanggang Miyerkules ang dalawang pulis na magreport sa police regional office ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) matapos silang alisin sa Mandaluyong.
"Nakita natin na meron talagang grave abuse of authority dito at saka 'yung lumalabas na 'yung police brutality talaga," pahayag ni National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde.
"So 'yung pag-transfer sa kanila, isang paraan lang, isang paraan lang para matanggal sila sa comfort zone nila o sphere of influence," dagdag niya.
"Probably doon sa lugar na 'yon, pwede rin naman sila maka-recover doon," anang opisyal. -- Jamil Ramos/FRJ, GMA News
