Binaril at napatay ang isang call center agent na babae sa Makati City nang makipagbuno siya sa lalaking umagaw sa kaniyang bag.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, ipinakita ang CCTV camera na nakunan ang pangyayari nitong Martes ng madaling sa panulukan ng Curie at Enrique Sts. sa barangay Palanan, Makati.
Sa video footage, makikita ang 36-anyos na biktima na bumababa sa isang sasakyan at nagtungo sa harapan ng inuupahan niyang bahay.
Hindi nagtagal, isang lalaking nakamotorsiklo ang tumigil at lumapit sa biktima sabay tutok ng baril.
Nang hablutin ng salarin ang bag ng biktima, nakipagbuno ang babae at hindi bumitiw kahit pinalo siya ng baril.
Sumunod na ang pagputok ng baril at tinamaan ang biktima sa ilalim ng panga na kaagad niyang ikinamatay.
Tumakas naman ang salarin sakay ng motorsiklo.
Hinihinala naman ng opisyal ng barangay na ang salarin ang siya ring nasa likod ng mga nakaraang holdapan sa lungsod.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para makilala at madakip ang salarin. -- FRJ, GMA News
