Pinabulaanan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes ang ulat na binalak niyang makipag-usap sa pro-ISIS Maute group, ang grupong umatake sa Marawi City.
“No, I did not. He is a pretender. I never talked to terrorists, that’s one. I will never talk to criminals and to terrorists,” pahayag ni Duterte nang makausap ng mga mamamahayag sa Camp Bahian sa Malaybalay, Bukidnon.
“But I would talk to revolutionaries who are imbued with a principle… kagaya nitong MI, MN,” patungkol niya sa Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front.
Idinagdag ni Duterte na maaaring ang MILF o MNLF ang nagmungkahi ng pakikipag-usap sa Maute.
“Pero kung manggaling sa akin, ako manghingi sa mga kriminal pati terorista, imposible. Tsaka marami na akong patay na sundalo pati pulis. Huwag nila akong biruin na mag-istorya-istorya lang tayo,” anang pangulo.
“If there has to be peace, it would really be peace. Huwag mo akong laruin niyang away ngayon tapos bukas... let us finish this once and for all,” pagdiin ni Duterte.
Nitong Miyerkules, iniulat ng Reuters na sinabi umano ng Muslim leader na si Agakhan Sharief na isang senior aide ni Duterte ang lumapit sa kaniya para hingin ang kaniyang tulong na maghanap ng paraan ng komunikasyon sa lider ng militanteng grupo.
Gayunman, hindi umano ito natuloy matapos ideklara ni Duterte noong May 31 na hindi siya makikipag-usap sa mga terorista. —FRJ, GMA News
