Arestado ang isang tauhan ng milk tea shop sa Quezon City dahil sa pamboboso raw nito sa mga kostumer na gumagamit ng palikuran. Ang suspek, itinanggi ang paratang.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang dinakip na lalaki na si Rolly Escobarisa, na nagtatrabaho sa isang milk tea shop sa Congressional Avenue sa Quezon City.

Ayon sa isang biktima na itinago sa pangalang "Ana," madalas sila ng kaniyang mga kaibigan sa nabanggit na tindahan.

Nitong Huwebes ng hapon, nagulat daw ang biktima sa ginawang hirit sa kaniya ng suspek.

"Sige ate ano lalagay ko yung password ng wifi tapos sabi niya ta-type ko yung password ng wifi type kita sabi niya. Tapos bigla niyang sabi na ang password ng wifi namin number ko," kuwento ng biktima

Napansin din daw ng biktima na nang gagamit na siya ng palikuran, sumabay na pumasok si Escobarisa sa katabing kuwarto.

"Pumasok siya sa pangalawang room tapos nung pagpasok ko sa cr 'pag upo ko sa bowl, sabi ko bakit may butas na malaki na parang may mata. Tapos nung tinitigan ko, bigla niyang tinakpan," kwento ni Ana.

Dito na raw siya nagduda at agad na ikinuwento sa mga kasamahan ang nadiskubre.

Pero ang mga kaibigan, may parehong karanasan din kaya kinompronta na nila ang suspek.

Agad na nagsumbong ang mga biktima sa kanilang mga magulang at ipinaaresto si Escobarisa.

"Mali yung ginawa niya, bastos sobrang-sobra. Itutuloy namin, gusto kasi ng asawa ko ituloy para matauhan sila at madala," ayon sa ina ng biktima.

Itinanggi naman ni Escobar ang paratang at iginiit na hindi niya magagawa ang paninilip dahil may asawa at anak siya.

Maging ang kasamahang barista, ipinagtanggol ang suspek.

Pero sa kabila nang pagtanggi sa kasalanan, humihingi pa rin siya patawad, pati ang kaniyang maybahay para hindi na ituloy ang reklamo.

"Humihingi po ako ng tawad sa mga lahat ng ano nila kung may kasalanan ako pero wala po akong ginagawang naninilip o ano man," anang suspek.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. -- FRJ, GMA News