Isa na naman umanong biktima ng malaswang Facebook page ang nag-report sa National Bureau of Investigation kamakailan.
Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkules, dumulog sa NBI Cybercrime Division ang biktima matapos umano siya na-bash ng husto sa social media dahil sa mga ipinu-post na malaswang Facebook account tungkol sa kanya.
Pangatlo na umano ang biktima sa mga lumutang at nagsumbong sa NBI, ayon sa ulat.
Ayon sa 14-anyos na biktima, ginamit umano ng isang Facebook page ang kanyang mga litrato na walang pahintulot.
Nalaman na lamang umano niya nang kumalat na sa social media ang kanyang pictures na ginagamit sa kalaswaan.
Libu-libo na umanong mga mensahe ng pangungutya ang natatanggap ng biktima kaya desidido ang kanyang pamilya na panagutin ang administrator ng naturang Facebook page.
Noong nakaraang Miyerkules, lumatang ang isa umano sa marami nang nabiktima ng isang sikretong Facebook group na namamahagi ng malaswang mga larawan ng mga babae.
Sa ulat ng "24 Oras" noong July 5, nagreklamo ang 20-anyos na dalaga dahil bigla na lamang umanong nakatatanggap siya ng friend requests ng mga 'di kilalang mga tao at may mga sinasabing "inappropriate messages."
"May nag-inform po sa akin na ginawa raw pong clickbait yung picture ko sa isang porn site, meron din po 'yung nag-inform sa akin eh yung picture ko raw po ay in-edit po para magkaroon ng naked body, ang pinagtataka ko po at masakit po ang loob ko kasi wala naman po akong litratong ganoon," ayon sa biktima.
"Nakatanggap po ako ng mga indecent proposals, kagaya po ng kung may financial problem po ako, meron daw po akong, totoo daw po ba 'yung nagpapa-service daw po ako for 5,000," dagdag niya. —LBG, GMA News
