Isang Koreanong pasahero ang sugatan matapos magbanggaan ang dalawang taxi sa Roxas Boulevard sa Maynila nitong Huwebes ng madaling araw.
Ayon sa ulat ni GMA News reporter Mav Gonzales sa Balitanghali, nagtamo ng sugat sa mukha at binti ang Koreano na agad namang binigyan ng paunang lunas.
Ayon sa ulat, isang Jeshker taxi na bumabagtas sa northbound lane ng Roxas Boulevard ang nakabanggaan ng Quinpia taxi na lumiko naman pakaliwa mula sa Quirino Avenue.
Wasak pareho ang unahan ng dalawang taxi at natanggal pa ang mga bumber nito.
Aminado naman ang nakabanggang driver ng Quinpia taxi na hindi niya napansin na naka-red na ang stoplight.
"Medyo antok nga po eh. Umaga pa po [ako bumabyahe]. Hindi na po mapapakinabangan 'yan (taxi)" pahayag ni Jonivie Amarante.
Gayumpaman, iniimbestigahan pa rin kung sino ang may pananagutan sa insidente. — Jamil Joseph Santos/RSJ, GMA News
