Naiyak at humingi ng tawag ang isang babae nang maaresto siya ng mga awtoridad sa inuupahang bahay sa Quezon City dahil sa pagtutulak umano ng iligal na droga. Ang suspek, naghahanda pa raw gumamit ng shabu nang masakote.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing katatapos lang daw mag-repack ng shabu si Jennifer Yabes nang abutan sa kaniyang tinitirhan sa Barangay Bagbag sa Quezon City noong Miyerkules ng gabi.

Hinihinala rin ng mga awtoridad na naghahanda si Yabes na gumamit ng droga nang maaresto dahil sa nakitang mga paraphernalia.

Nadakip ng mga awtoridad ang kinakasama ni Yabes na si Herminigildo Anduyo na nagtangka pa raw tumakas.

Isinagawa ang pag-aresto sa mga suspek nang magpositibo ang test-buy na ginawa ng police asset.

Inamin umano ng suspek na karaniwang mga driver at mga trabahador sa pabrika ang kaniyang mga kliyente.

Narekober sa suspek ang anim na plastic na may lamang hinihinalang shabu, cash at mga drug paraphernalia.

Sa piitan, sinabi ni Yabes na hindi siya nagtutulak at gumagamit lang umano ng droga. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News