Mula sa kasalukuyang P8 singil sa pasahe, nais ng grupong PCDO-Acto na gawin itong P9 dahil sa patuloy na pagtaas umano sa presyo ng diesel at mabigat na daloy ng trapiko.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Efren de Luna, presidente ng nabanggit na grupo, na ihahain nila ang kanilang petisyon sa dagdag-singil sa pasahe sa susunod na linggo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Bukod sa mataas na presyo ng diesel na ginagamit ng mga jeepney, halos wala na rin kinikita ang mga drayber dahil sa mabagal na pag-ikot sa pasada bunga ng trapiko, at mahal na halaga ng piyesa sa sasakyan.
Sa ngayon, umaabot na sa mahigit P32 kada litro ang presyo ng diesel.
Ayon naman sa isang opisyal ng LTFRB, kaagad nilang isasalang sa pagdinig ang ihahaing petisyon ng grupo.
Ang ilang pasahero na tinanong sa ulat, hati sa planong dagdag na singil sa pasahe.
May nagsasabing magiging kabawasan sa kanilang budget kung dagdag singil sa pasahe, habang may nagsasabi naman na ok lang kung talagang kailangan ng mga drayber. --FRJ, GMA News
