Bugbog-sarado ang isang 19-anyos na lalaki nang bugbugin ng mga residente matapos manghablot ng pitaka ng isang babae sa Sampaloc, Maynila Martes ng gabi.

Ayon sa puslisya, mamahalin ang pitaka ng babae pero P220 lamang ang laman nito.

Bukod sa tinamong mga pasa sa mukha at ibang parte ng katawan, kalaboso pa si Kirch Kent Delasan.

Bandang 8:30 ng gabi nitong Martes nang hablutin ni Delasan ang pitaka ni Claire Bernardino habang naglalakad ang babae sa isang kalye ng Dapitan.

Pagsigaw ni Bernardino, isang lalaki na nakabisikleta ang humabol sa patakas nang si Delasan.

Inabutan ng lalaking rumesponde si Delasan sa kalye ng Laong Laan at doon siya pinagtulungang bugbugin ng mga residente sa lugar.

Dinala muna sa barangay hall ang suspek bago bitbitin sa istasyon ng pulisya.

Ayon sa pulisya, apat na araw pa lamang ang nakalilipas nang palayain ang suspek mula sa kulungan. Naaresto si Delasan kamakailan matapos mahulihan ng droga. —ulat ni Mav Gonzales/ALG, GMA News