Patay ang dalawang residente sa sunog na nangyari sa Ermita, Maynila noong Biyernes ng hapon.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News "Saksi," sinabing naganap ang sunog sa Camia Street sa may  Adriatico area pasado alas-3 ng hapon.

Kinilala ang mga nasawi na ang mag-amang sina  Abelardo at Jimmy Salonga.

Kwento ng mga kamag-anak ng mga biktima, hindi na umano nagawang makalabas ng mag-ama sa palikuran ng bahay nang sumiklab ang apoy.

"'Di na sila nakalabas kasi nakulong sila sa banyo," pahayag ng isang kamag-anak.

Ayon sa ulat, gawa sa light materials ang karamihan sa mga bahay kaya mabilis na kumalat ang apoy.

Ayon sa firefighters, sa gitnang bagahi ng residential area nagmula ang apoy kaya nahirapang makapasok ang mga bumbero.

"Ang ating initial na investigation, alleged illegal electrical connection [ang sanhi ng apoy]," ayon kay Fire Superintendent Antonio Razal, Jr. ng Manila Fire Department.

Kanya-kanyang hanap ng pwesto sa gilid ng kalsada ang ilang nasunugang residente na dala-dala ang mga naisalba nilang gamit.

Pinahintulutan naman ng isang hotel na sumilong ang ibang nasunugang mga residente sa garahe nito.

"Humihingi po kaming tulong, wala po kaming nakuhang gamit," ayon sa isang nasunugan.

"Pagdating wala na po eh, tupok na po 'yung bahay. Wala na kaming magawa kung hindi tanggapin na lang namin," ayon sa isa pang nasunugan.

Samantala, ilang kabahayan ang apektado sa sunog ng isang gusali na ginagamit na temporary housing shelter sa Barangay 105 sa Tondo.

Wala namang naiulat na nasaktan sa sunog. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News