Nabuko ang isang aesthetic clinic na nagsasagawa ng mga beauty procedure dahil sa ilegal umanong operasyon nito sa Makati City. Ang dalawang Vietnamese na mga walang patunay ng pagiging doktor, arestado.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang pagpasok sa aesthetic clinic ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation - Special Action Unit, na inabutan ang mga kliyenteng nakahiga sa mga kama na isinasalang sa mga procedure.
Samantala, nakatago sa mga cabinet sa loob ng clinic ang mga gamot sa buhok na walang katiyakan kung may approval ng FDA.
Sa isang kuwarto naman isinasagawa ang ilang procedures gaya ng paglalagay ng botox at fillers.
Ikinabahala ng NBI na sa halip na naka-refrigerate ang mga gamot pang-botox, sa cabinet lamang ito itinago kaya maaaring nakompromiso na ang mga ito at magkaroon ng malaking negatibong epekto sa kliyenteng gagamit.
Hindi rin sanitized umano ang lugar at ang mga kagamitan sa aesthetic procedures kaya sinabi ng mga eksperto ng NBI na posibleng magka-impeksiyon ang kanilang mga kliyente.
“May dalawang Vietnamese na nagpapanggap na doktor, at noong pinuntahan, nakita ‘yung clinic, ‘yung botox hindi mga naka-ref. At noong tiningnan ang personalities nila, mga overstaying din ang mga Vietnamese,” sabi ni NBI Director Melvin Matibag.
Bukod sa dalawang Vietnamese, hinuli rin ang isang Pilipinang tumanggap ng marked money.
Bigo ang mga dayuhan na makapagpakita ng katibayan ng pagiging doktor nang hingian ng mga awtoridad.
Kinumpiska ang lahat ng mga equipment at gamot ng mga inaresto.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga dinakip na Vietnamese at Pinay, na nasa NBI detention facility sa Muntinlupa at mahaharap sa reklamong paglabag sa Medical Act at FDA Law.
“Sa hangarin nating makatipid o makamura at magpapaganda ay mabiktima po tayo ng mga katulad na ganitong mga modus operandi. So maging mapanuri po tayo, tingnan natin kung sila ay talagang mga doktor, tingnan po natin ‘yung kanilang clinic, ‘yung mga gamit na ginagamit. At kung may pagdududa po, agad na makipag-ugnayan sa aming tanggapan,” sabi ni Matibag. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
