Isang traffic enforcer na naghatid ng anak at papunta na sa trabaho ang binaril at napatay ng mga salaring nakasakay sa motorsiklo sa Quezon City.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing papunta na sana sa kaniyang puwesto para magmando ng trapiko si Teogenes Mendez nang barilin siya ng mga salarin sa Barangay Pasong Putik sa nabanggit na lungsod.
Tinangay din ng mga salarin ang two-way radio ni Mendez na pag-aari ng barangay, at ang bag nito na may lamang gamit at cellphone.
"Pumunta siya ru'n para ihatid 'yung anak niya. Nu'ng pabalik na siya sa puwesto niya, du'n na siya nabaril ng mga suspek," ayon kay Police Senior Inspector Elmer Monsalve, hepe ng homicide section ng CIDU-QCPD.
Sinabi ng asawa at mga kaanak ni Mendez sa QCPD Criminal Investigation Division Unit, na malabo na away sa trapiko ang dahilan ng pamamaslang sa biktima dahil wala itong nakaalitan.
Napag-alaman na si Mendez ang vice president ng homeowners association sa kanilang lugar, at opisyal din ng barangay, na madalas kasama umano ng mga awtoridad sa pagkilala sa mga kalugar na sangkot sa droga.
"Sinasama siya ng taga-barangay sa operation. Tinatanong lang siya kung 'kilala mo ang taong ito.' Eh siyempre, taga-diyan kami, itinuro lang niya yung bahay," ayon sa asawa ng biktima.
"'Yung mga nag-surrender na kailangan ipag-report, kasama siya na pumupunta sa mga bahay," sabi pa ni Monsalve.
Kumakalap na raw ang pulisya ng mga CCTV para matukoy ang mga salarin.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
