Iginiit ng isa sa mga pulis na sangkot sa pagkamatay ng 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos sa Caloocan City na "asset" nila ang nakunan sa closed-circuit-television camera na kasama nila at hindi ang nasawing binatilyo.

"Kami yung dalawang nasa CCTV. Yung sinasabi [na] Kian, hindi si Kian 'yon. Yun yung aming 'asset,'" pahayag ni Police Officer 1 Jerwin Cruz sa isinagawang pagdinig ng Senate public order committee nitong Huwebes.

Sinabi ni Cruz  na si Police Officer 1 Jeremias Pereda ang kasama niyang nakita sa CCTV.

Kasama ang dalawang pulis sa nangyaring operasyon sa Caloocan na humantong sa pagkamatay ni Delos Santos noong nakaraang linggo. Tumanggi namang sumagot sa mga tanong sa pagdinig ang isa pang kasamahan nila na si Police Officer 3 Arnel Oares.

Base umano sa ballistic examination, tumugma ang baril ni Oares sa mga bala na natagpuan sa katawan ni Delos Santos.

Nang tanungin ng senador kung bakit tila binibitbit nila ang sinasabi nilang "asset" o tagaturo ng mga sangkot sa droga, paliwanag ni Cruz: "Kasi yung asset, ayaw niyang masunog. Ayaw niyang makilala na may kasamang pulis na ituturo."

"Pinoprotektahan niya yung sarili niya at yun ang sinabi niya sa amin, na i-cover namin para 'di makilala dahil may kasama siyang pulis," paliwanag ni Cruz.

Noong Martes, sinabi ng Internal Affairs Service Inspector General Alfegar Triambulo na umamin ang dalawa sa tatlong pulis na nasangkot sa insidente na si Kian ang bitbit nila sa CCTV.

"Inamin ng dalawang pulis na sila nga daw ang nag-akbay kay Kian at si Kian ang nasa video at taliwas sa kanilang unang sinasabi na ‘yun ay informant," sabi ni Triambulo sa mga mamamahayag.

Ayon sa testigo ng pulis na si Renato Loberas, isang drug suspect na ipinrisenta ng sa media, hindi si Kian ang bitbit ng mga pulis na nakita sa CCTV.

Sinabi ng mga pulis na nagpaputok ng baril si Delos Santos habang tumatakas sa isinagawa nilang operasyon sa Barangay 160 kaya nila nabaril.

Lumabas sa mga ulat na may nakuha kay Delos Santos na isang .45 pistol at dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

Pero itinanggi ng mga kaanak ng binatilyo at maging ng ibang testigo ang kuwento ng mga pulis.

Sinabi ng isa sa mga testigo na nagmakaawa pa para sa kaniyang buhay bago barilin si Delos Santos. -- KC Alvarez/Jamil Santos/FRJ, GMA News