Matapos ang habulan sa kalsada, napatay ng mga pulis sa Pasay City ang isang lalaking nanutok ng baril at nakiangkas pa sa e-bike para makatakas.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinasabing nagsagawa ng operasyon ang mga pulis matapos nilang makatanggap ng sumbong sa isang kagawad na may lalaking nanunutok ng baril sa E. Rodriguez Street, Barangay 153, Pasay City.
"Nakita po namin 'yung suspek na nanunutok sa may E. Rodriguez, [tinututukan] 'yung mga tao na naglalakad. Nu'ng nandu'n po kami, bigla kaming pinaputukan tapos tumakbo po siya," isinalaysay ni PO1 Clyde Tabulog ng Malibay PCP Police.
Matapos nito, ini-hijack ng suspek ang pizza delivery e-bike na pinapatakbo ni Angelica Domingo.
"Pagliko ko po ng e-bike ko, bigla na lang siyang umangkas sa likod ko. Pag-angkas niya sa likod ko, sabi niya, 'Idiretso mo du'n.' Tinutok niya po agad 'yung baril sa likod ko pati sa may batok," ayon kay Domingo.
Hindi maipasok ang mobil ng mga pulis sa ginagawang kalsada, kaya nanghiram pa sila ng motorsiklo sa mga dumaraan.
Unang nakaputukan ng suspek si PO2 Gerry Jubail, ngunit tinamaan siya ng bala sa tiyan.
Agad siyang isinugod sa Pasay General Hospital.
Rumesponde pa ang dalawang pulis, na nakaengwentro ng suspek sa bahagi ng South Super Highway, Makati City.
Kwento ni Domingo, narinig niyang nagpapalitan ng putok ang mga pulis at suspek kaya tinumba niya ang e-bike dahil sa takot.
"Nagpalitan na sila ng [putok]. Ang ginawa ko po, kinambyo ko na lang po 'yung e-bike ko, tinaob ko po. 'Pag tumba namin, tumama po 'yung ulo ko sa may bato tapos sa may bakal ng e-bike ko."
"Nagpanggap po akong patay tapos naramdaman ko na pong may tumutulong dugo. Akala ko po sa 'kin. Tapos tumakbo na po siya (suspek) nu'n."
Muling nagtangkang i-hijack ng suspek ang isang container van.
Nang mabigo, nakipagbarilan ang lalaki sa mga pulis, kung saan siya napatay.
"Tinutukan niya po ng baril 'yung container van, tapos nu'ng akmang bubuksan na ng driver 'yung pintuan, biglang kumaripas. pagtakbo ng container van, bigla pong pumutok sa 'kin kaya binalikan ko siya ng putok," ayon kay Tabulog.
Narekober ang .45 kalibre na baril, dalawang magazine at iba't-ibang ID mula sa suspek.
Malaki ang pasasalamat ni Domingo na napatay ang suspek.
"Salamat po kasi nakaligtas po talaga ako. Hindi ko po talaga alam kung ano 'yung gagawin ko eh. Akala ko 'yun na 'yung katapusan ko eh. Kaya nagpapasalamat ako sa pulis na bumaril sa may lalaki." —Jamil Joseph Santos/NB, GMA News
