Tatlo ang patay sa pananaksak ng isang lalaki sa Central Park Tower Condominium sa Pasay City nitong Martes ng gabi. Kabilang sa nasawi ang nobya ng suspek, at isang batang babae na nakasalubong ng salarin sa pasilyo ng condo.

Batay sa mga paunang impormasyon, may pito pang biktima na nagtamo ng mga sugat ang dinala sa pagamutan.

Kinilala ni National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde ang suspek na si Alberto Garan.

Pagkaraan ng ilang oras na paghahanap, idineklara ni Albayalde na napatay ang mga awtoridad ang suspek sa ika-22 palapag ng gusali.

Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho," sinabing ang isang biktima ay sinasaksak ng suspek sa 15th floor ng gusali dakong 6 p.m.

Pumanaw ang biktima bago makarating sa ospital.

Sinaksak din umano ng suspek at napatay ang kaniyang nobya na si Emelyn Sagun, na nakita ang katawan sa basement ng gusali.

Ang batang nasawi ay sinasabing nakasalubong ng salarin sa pasilyo ng gusali.

Ayon sa kapatid ni Sagun, nakita niya ang biktima na nakikipagtalo sa suspek.

Natukoy ang pagkakakilanlan ng salarin sa CCTV camera.

Kinailangang paalisin muna ang mga nakatira sa gusali habang hinahanap ng mga pulis ang pinagtaguan ng salarin.— FRJ, GMA News