Arestado ang dalawang lalaki sa Dumaguete City matapos umanong magbenta ng pekeng gold bars sa halagang P200,000 bawat piraso.

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, kinilala ang mga suspek na sina Ferdinand Leocadio at Roberto Madagmos, na naaresto sa isinagawang entrapment operation.

Sinabi ng biktima na binentahan siya nina Leocadio at Madagmos ng gold bars ayon sa nabanggit na halaga, ngunit nagduda siya kaya ipinatingin niya ito sa kaibigan na dati na ring bumibili ng ginto.

Ayon sa kanyang kaibigan, pinakintab na tanso lamang ang mga ito.

Posibleng maharap sa kasong swindling ang mga suspek sakaling mapatunayang peke ang mga ibinebenta nilang ginto.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News