Umabot na sa 655 ang mga napapatay na terorista mula sa grupong Maute-ISIS sa pagpapatuloy ng bakbakan sa pagitan ng gobyerno at ng grupo sa Marawi City.

Sa ulat ni Divine Reyes sa dzBB nitong Sabado, inihayag ni Colonel Edgard Arevalo, chief, Public Affairs Office ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na aabot na sa 145 ang mga nasawing pulis at sundalo, samantalang 45 sibilyan naman ang namatay sa gitna ng sagupaan.

Sa pag-usad ng clearing operations ng AFP, inaasahan na marami pang bangkay ang makukuha sa "main battle area" na napapaligiran ng mga nakatanim na patibong at pampasabog.

Dagdag pa ni Arevalo, nasa 1,728 sibilyan na ang nailigtas sa bakbakan, at aabot sa 700 armas ang nasamsam ng mga awtoridad.

Tiniyak din ng AFP na patuloy ang pagsalakay ng militar at pulisya sa posisyon ng Marawi ISIS group upang lalong lumiit ang kanilang ginagalawan at mabawasan ang kanilang pwersa. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News