Buhay pa nang matagpuan ang isang Mola mola o sunfish sa baybayin ng Barangay Biasong sa bayan ng Hinunangan, Southern Leyte nitong Sabado ng umaga.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang naturang isda ay may habang siyam na talampakan at lapad na tatlong talampakan. Aabot naman ng 300 kilo ang bigat nito.

Sa ulat ni Peewee Bacuño ng GMA News, sinabing nanghihina ang sunfish nang madatnan ito ng mga residente kaya agad nila itong dinala sa malalim na parte ng dagat.


Mino-monitor pa rin ng BFAR sa mga oras na ito ang kondisyon ng sunfish. — Jamil Santos/MDM, GMA News