Patay ang magkapatid matapos matabunan ng putik ang kanilang bahay sa pagguho ng lupa sa Taytay, Rizal bunga ng malakas na ulan na dulot ng bagyong "Maring" nitong Martes ng madaling araw.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing mga yero at payong na lang ang natira sa bahay ng pamilya Fundal matapos matabunan ng putik sa Creekside Purok 1B sa Barangay Dolores sa Taytay.
Ayon sa padre de pamilya na si Jun, dakong 4:30 am nang magising siya dahil tumagas na sa kanilang hinihigaan ang tubig sa lakas ng ulan.
Pero matapos niyang ginising ang kaniyang pamilya, naganap na ang pagguho ng lupa na tumabon sa kanilang bahay.
Kinilala ang nasawing magkapatid na sina Jude, 17-anyos, at Justin, 14-anyos.
Nabalian naman ng braso ang inang si Judith, at bahagyang nasugatan din ang dalawa pa nilang anak na si Joshua,15, at Jerome, 8.
Kaagad na humingi ng saklolo ang pamilya pero natagalan daw ang pagsagip sa kanila dahil sa dami ng lupang gumuho at tumabon sa magkapatid.
Lunes pa umano walang tigil ang ulan sa lugar kaya nag-abiso ang mga opisyal ng barangay na lumikas ang mga residente. Pero hindi raw umabot ang abiso sa pamilya Fundal dahil malayo na ang kanilang lugar.
Hindi naman daw naisipan ng lumikas dahil sa tatlong taon nila sa lugar hindi naman nagkakaroon ng landslide.
Nananatili naman sa Mangga Elementary School ang nasa 25 pamilya na ginawa munang evacuation center.
Patuloy din ang abiso ng barangay para sa mandatory evacuation sa mga lugar na peligroso pa rin sa pag ulan. Gayunman, problema raw na wala pa ring nakukuhang paglilipatan ng mga residente.
Bagaman nasagot na ang gastusin sa burol at libing ng magkapatid na nasawi, problema ng pamilya Fundal kung saan sila titira matapos mawasak ang kanilang bahay. -- FRJ, GMA News
