Nakatulog umano dahil sa puyat ang drayber ng isang kotse kaya nabundol niya ang isang 12-anyos na estudyanteng babae sa Quezon City.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa Balitanghali nitong Sabado, makikita sa CCTV camera video na may naglalakad na tatlong estudyante sa isang kalye sa Barangay E. Rodriguez, nang may dumaang kotseng bigla na lang kumaliwa at dumiretso papunta sa kanila.

Tumilapon at humampas pa sa pader ang 12-anyos na babae dahil sa lakas ng pagkakabangga ng kotse.

Ang kotse naman dumiretso pa rin ng takbo at nabangga pa ang dalawang nakaparadang motor sa sidewalk.

Ayon kay barangay chairman Marciano Buena-Agua, nagdahilan pa ang drayber ng kotse na mag-o-overtake sana siya sa isang sasakyan ngunit ang makikita lamang sa video na sasakyan at ang nakaparadang jeepney sa gilid ng kalsada.

Paliwanag naman ni Nonong Balatayo, monitoring officer ng barangay, puyat daw ang drayber dahil sa magdamagan niyang pagmamaneho.

"Nakaidlip daw siya. Hindi niya namalayang nakabangga pala siya," ani Balatayo.

Sa kabutihang palad, nailabas na ang bata sa ospital at nagpapahinga na ngayon sa kanilang bahay pero sariwa pa ang sugat na tinamo niya dahil sa aksidente.

"Yung sa likod po masakit. Wala po talaga akong naalala nung nabunggo na," ayon kay Aldover.

Nagkaayos na raw ang pamilya ng biktima at ang drayber.

"Pansamantalang makalaya siya dahil sinagot niya yung lahat ng gastusin ng anak namin pero just in case na magkaroon ng kumplikasyon, itutuloy po namin yung demanda," ayon sa ina ni Kristel na si Analyn Aldover.

Pinayuhan naman ni Agua ang mga motorista na huwag daw bumiyahe nang pagod.

"Kailangan makapag-bed rest sila nang walong oras kasi napakahirap magmaneho, kailangan kundisyon yung katawan para maging maayos ang pagmamaneho." —Jamil Santos/ALG, GMA News