Kahit nagtakip ng payong, naaresto pa rin ng mga tauhan ng Barangay Bagbag sa Quezon City ang apat na lalaki na nang-i-snatch umano sa mga pasahero ng jeepney matapos silang isumbong ng isang concerned citizen.



Ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, nakita sa kuha ng CCTV ang mga suspek na nakapayong sa Quirino Highway at nag-aabang umano ng kanilang bibiktimahin.

Bagaman nabigo umano ang grupo sa una nilang bibiktimahin, hindi pa rin sila umalis sa lugar para mag-abang bagong hahablutan ng gamit pero dumating na ang mga taga-barangay na napagsumbungan ng concerned citizen.

Nakatakbo pa ang apat pero nadakip ang isang suspek na si Kenneth Carl Burca, na kinalaunan ay itinuro ang kinaroroonan ng kaniyang mga kasamahan na si Albert Etang at dalawa pang menor de edad.

Nasampahan na ng kasong attempted robbery ang apat na suspek.

Ayon sa pulisya, tinatarget umano ng grupo ang mga pasahero ng mga jeepney na gumagamit ng cellphone.

"'Tumitiyempo sila ng mga nakasakay sa jeep na nagte-text. 'Yun ang ginagawa nila, inaagawan ng cellphone," sabi ni Police Inspector Roger Molino ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News