Posible raw na protektor ng droga ang mga kapitan sa Malolos, Bulacan, kung mabibigong tumugma ang kanilang listahan ng mga sangkot sa ilegal na droga sa kopya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng pulis.

Sa Balitanghali report ni Lei Alviz nitong Sabado, sinabing personal na ipinarating ng PDEA sa 51 kapitan ng Malolos ang mensahe raw ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat silang makapagbigay ng listahan ng sangkot sa ilegal na droga sa kanilang mga nasasakupan.

"Sa laban ng kampanya ng ilegal na droga, sa tagal ng panahon na iyan, sa oras na ibinigay sa iyo, bakit meron pa ring illegal drug personality sa barangay mo? Anong mangyayari? Either ikaw ay protector o hindi mo ginagawa yung function mo as barangay captain o talagang may personal kang alam kung ano ang ginagawa nila," ayon kay Superintendent Heryl Bruno, hepe ng Malolos Police.

Ayon sa ulat, posibleng mapasama ang mga kapitan sa listahan ng pulisya ng high-value targets kung hindi sila makikipagtulungan.

"Hindi ko naman direkta na sinabi na mga protektor kayo, sinabi ko lang na posibleng lumabas na ganu'n sila kasi wala silang ginagawang aksyon sa barangay nila. So ipakita nila, maging hamon sa kanila na sabihin yung mga totoong pangalan para hindi nahihirapan ang pulis," sinabi ni Jack Castro, provincial operation officer ng PDEA-Bulacan.

Tinanggap naman ng samahan ng mga kapitan ng Malolos ang hamon na magpakita ng listahan, bagama't nangangamba sila sa sinabi ng PDEA at pulisya.

"Talaga pong medyo masakit na sabihing protektor ka dahil hindi naman totoo eh. Ngayon, kung iyan po ay hamon, sige po, tatanggapin naming hamon at patutunayan namin sa kanila talaga na sumusunod kami, hindi kami poprotekta," ayon kay Dionisio Mendoza, presidente ng Association of Barangay Captains ng Malolos.

Sa follow-up na gagawin ng PDEA at ng pulisya sa mga susunod na araw, posible raw na ipatawag muli ng mga awtoridad ang mga kapitan para sa kanilang listahan.

Patuloy naman ang mga operasyon ng pulisya kontra droga sa Malolos.

"For now, dito sa Malolos, nababawasan na, hindi naman natin masabi na ubos na kasi may nahuhuli pa't may mga anti-drug operation pa rin tayong nagagawa rito," ayon pa kay Castro. —Jamil Santos/ALG, GMA News