Namatay dahil sa stroke ang isang lalaki habang umano'y sinasaktan ang kanyang asawa sa Sta. Cruz, Maynila nitong Lunes ng gabi.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita, sinabing talagang madalas mag-away ang mag-asawang Elmer at Cecilia Alvarez dahil sa selos.

Nitong Lunes ng gabi sa isang parking slot sa Barangay 352, pinalo umano ni Elmer ng kadena ang kanyang asawa sa mukha.

Tinanggka rin umano ni Elmer na saksakin ang anak ni Cecilia nang sinubukan nitong umawat sa away ng mag-asawa.

Sa kalagitnaan ng pananakit ni Elmer sa asawa, bigla na lamang umano itong nangisay at natumba.

Ayon sa mga awtoridad, na-stroke si Elmer at ito ang malamang na dahilan ng pagkamatay niya. —ALG/KVD, GMA News