Patay ang isang lalaki nang bigla na lang siyang saksakin sa dibdib ng salarin na sumalubong sa kaniya sa gilid ng kalsada sa Pasay City.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Eljon Dela Rosa, na nagtamo ng isang saksak sa dibdib at pumanaw sa ospital.

Sa kuha ng CCTV sa Arnaiz Street sa Barangay 40, makikita si Dela Rosa na naglalakad sa gilid ng kalsada nang salubungin siya ng salarin na galing sa kabilang bahagi ng kalye at bigla na lang sinaksak ang biktima.

Nakalakad pa ng kaunti ang biktima na tila nabigla sa ginawa sa kaniya ng salarin. Kasunod nito ay bumangga siya sa poste bago tuluyang bumagsak sa bangketa.

Naglakad naman ang salarin palayo sa biktima na parang walang nangyari.

Pero bago ang naturang insidente, nakunan muna ang salarin na tila naghihintay sa kabilang bahagi ng kalsada at may mga kasama pa.

"Siguro nagkaroon ng konting, nagkaalitan. Sa tingin ko sa CCTV, nag-aabang sila, matagal na. Nu'ng dumating 'yung sinaksak, nilapitan lang, saglit lang," ayon kay Diosdidet Morales, kapitan ng Barangay 40, Pasay City.

Ayon naman sa ina ng biktima, posibleng napagtripan lang ang kaniyang anak.

"Wala naman 'yang kaaway tsaka hindi naman marunong makipag-away 'yan, hindi naman nakikipagtalo. Tahimik lang yan eh," ayon sa ginang.

Naulila ni Dela Rosa ang kaniyang asawa at dalawang anak.

Inaalam na ng Pasay Police ang posibleng motibo sa pamamaslang.

"Yan ang iniimbestigahan natin. Baka meron nang nangyaring nauna pa roon sa insidente kasi nilapitan niya tapos inundayan na lang na ganu'n, tapos na eh," ayon kay Senior Superintendent Dionisio Bartolome, chief of police ng Pasay PNP. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News