Sugatan ang isang motorcycle taxi rider na maghahatid ng pasahero matapos siyang pagtulungang gulpihin sa gitna ng kalsada ng dalawang lalaking nakasakay sa hiwalay na motorsiklo at nakasabay nila sa Marikina City.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Concepcion Uno sa Marikina dakong 11:00 pm nitong Sabado.
Sa video, makikita ang pag-atake ng dalawang suspek sa biktima, habang madidinig ang boses ng isang babaeng sumisigaw para umawat at ipinagtatanggol ang motor taxi rider.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na pasahero ng biktima ang babaeng sumisigaw. Hinarang umano ng dalawang suspek na hinihinalang mga nakainom ang motorsiklo ng 33-anyos na biktima.
“Nabanggit ng suspek na ‘aray mo!’ So ‘yun po napahinto sila sa gitna ng kalsada tapos biglang nagsisigaw na daw po yung ating suspek ng mga salitang hindi maganda dito sa ating victim. Nagresulta ito sa kaunting pagtatalo hanggang sa nauwi nga sa suntukan,” ayon kay Police Colonel Jenny Tecson, Chief, Marikina City Police.
Ayon kay Tecson, nagtamo ng mga sugat ang rider na biktima at sumailalim sa check-up. Tumakas naman ang mga suspek pero natunton ang isa sa kanila na 36-anyos sa Barangay Malanday, sa tulong ng plaka ng kanilang motorsiklo.
Nakadetine ngayon ang suspek sa himpilan ng pulis at nahaharap sa reklamong physical injury at malicious mischief. Wala pa siyang ibinibigay na pahayag. – FRJ GMA News
