Nabulabog ang mga residente ng isang condominium building sa Quezon City nang madiskubre ang isang malaking sawa sa basement parking area ng gusali.
Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nasa 10 hanggang 15 talampakan ang haba ng sawa.
Nakita umano ang sawa sa madilim na bahagi ng basement parking lot dakong 10:30 pm nitong Miyerkules.
Pero dahil sa laki nito, hindi raw naging madala ang paghuli ng mga tauhan ng Barangay Talipapa at kinailangan pa nilang humingi ng tulong sa dalawang pulis.
Upang matiyak na hindi makakawala ang sawa, inilagay nila ito sa plastic drum na tinakpan ng bakal at kanilang dadalhin sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center.
Hindi naman malinaw kung alaga ng isang tenant sa condominium ang sawa at kung papano ito napadpad sa basement ng gusali.-- FRJ, GMA News
