Kasalukuyang ginagamot sa ospital ang isang lolo at dalawa niyang apo na nasa kritikal na kalagayan matapos silang mabundol ng pampasaherong bus sa Baao, Camarines Sur.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabi na hindi umano napansin ng bus driver ang tatlong biktima sa gilid ng daan.

Binabaybay ng bus ang Maharlika Highway, ngunit may nag-cut na truck sa harapan nito.

Kumabig umano ang drayber sa kaliwa upang maiwasan ang truck. Dito na nahagip ang mga biktima, ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad.

Samantala, sa Pagadian City, sugatan ang isang mag-ama matapos silang ma-hit-and-run ng isang motorsiklo.

Ayon sa ulat, nag-aabang ng masasakyang tricycle ang mag-ama, nang bigla silang mabundol.

Nakita pa ng ilang saksi na tumilapon ang mag-ama at ang pagsemplang ng motorsiklo sa lakas ng impact.

Agad umanong tumakas ang rider na parang hilo.

Dinala agad sa ospital ang mga biktima ng mga residente.

Sa isang pang insidente sa daan sa Cabatuan, Isabela, kritikal ang isa at sugatan ang tatlo pa sa banggaan ng isang motorsiklo at isang closed van.

Nagpapagaling na ngayon sa ospital ang mga biktima pawang magkakaangkas sa motor nang mangyari ang insidente.

Parehong mabilis ang takbo ng mga nagkabanggaang sasakyan bago magpang-abot sa isang intersection, ayon sa imbestigasyon ng mga pulis.

Nakipag-areglo na ang driver ng closed van sa mga pamilya ng mga biktima. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News