Isang negosyante na nagkakape lang sa terminal ng jeep sa Quezon City ang basta na lang pinagbabaril hanggang mapatay ng dalawang salarin na nakatakas matapos gawin ang krimen.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Balitanghali " nitong Martes, kinilala ang biktima na si Rommel Roque, may-ari ng katayan ng manok sa Commonwealth Market, na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo sa Riverside Street, Commonwealth, bago mag-alas dos ng madaling araw.

Ayon sa kapatid na si Janifer Roque, nakita pa niya ang dalawang lalaking nakatakip ng tuwalya ang mga mukha na pinagbabaril nang malapitan at sunod-sunod ang biktima.

Labing-tatlong basyo naman ng 'di pa matukoy na kalibre ng baril ang natagpuan sa lugar ng pinangyarihan ng krimen.

Hinala ni Janifer, maaaring may kaugnayan sa negosyo ng kapatid ang pagpatay.

"Sabi niya, 'pag mabuksan yung katayan, madelikado na yung buhay niya 'pag ganyan," saad nito.

Blangko rin ang mga taga-barangay sa pagpatay sa biktima.

"Wala po akong alam na may record siya sa barangay," ayon kay Mercy Rosales, barangay volunteer.

Kasalukuyang nag-iimbestiga ang mga awtoridad sa posibleng nasa likod at motibo ng krimen. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News