Apat katao ang patay habang 23 ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang isang pampasaherong bus sa Del Gallego, Camarines Sur.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, sinabing kabilang sa sugatan ang dalawang driver.
Ilan sa mga sakay ang dinala sa Tagkawayan General Hospital sa Quezon.
Batay sa pulisya, nagmula sa Quezon City ang bus at papuntang Sorsogon nang maaksidente madaling araw ng Biyernes.
Sinabi ng hepe ng Del Gallego Police na posibleng nakatulog ang driver ng bus kaya nawalan siya ng kontrol hanggang sa malaglag ang sasakyan sa bangin.
Iniimbestigahan din kung may problema ba ang makina ng bus bago ibiniyahe.
Hindi muna nagbigay ng kanilang pahayag ang bus company habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon sa insidente. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
