Kinaaliwan ang isang tatay na nahulugan ng pustiso kasabay ng pagkapanalo niya sa “Whitney Houston” challenge sa isang Christmas party sa Quezon City.
Batay sa video na kuha ni YouScooper Angielyn Vega, na iniulat din sa Unang Balita nitong Biyernes, wagi si Tatay Orlando Balquin matapos niyang makuha ang tamang tiyempo at paghampas sa kantang “I Will Always Love You” ni Whitney.
Ayon pa kay Angielyn, isinuot muli ni Tatay Orlando ang pustiso matapos mahulog.
Nilinaw naman niyang dumiretso ang kaniyang lolo sa kusina at hinugasan ang nalaglag niyang pustiso.
Tawang-tawa pa aniya ang kanilang pamilya dahil hindi alam ni Tatay Orlando na nanalo siya sa laro.
Pero kasabay ng beat drop, doon din nahulog ang kaniyang pustiso.
May mahigit isang milyong views na ang kanilang video.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
