Hindi naiwasan nina Zoren Legaspi, Carmina Villarroel, Cassy, at Mavy, na maging emosyonal nang ihayag nila ang kanilang saloobin para sa isa’t isa sa araw ng Pasko.

Sa Christmas episode ng “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Huwebes, nagbigay ng mensahe sa isa’t isa ang Legaspi family kung saan nagpasalamat sila at humingi ng paumanhin.

“'Pag nagpapasalamat ako or nagso-sorry ako, 'yun lang sasabihin ko pero mararamdaman na nila sa tingin pa lang, sa emotions,” ayon kay Mavy na unang nagsalita.

Pero nang hikayatin siya ni Tito Boy na ihayag ang kaniyang saloobin, aminado ang aktor na, “Ay 'di [ko] kaya, 'di kaya!”

Sunod na nagsalita si Cassy na napaluhang humingi ng paumanhin sa mga nangyari ngayong taon.

“I’m sorry with what you have to put up with this year. And thank you for never changing the way you love me despite everything that has happened in my life,” saad ng aktres.

Humingi naman ng paumanhin si Carmina na nagiging mainitin ang ulo niya kung minsan.

“Sorry kung mayroon ako sa tingin niyong pagkukulang ko. Sorry kung medyo minsan mainitin ang ulo ko pero sinasabi ko naman ‘yon kung bakit,” ani Carmina.

At sa kabila ng mga kinaharap nilang pasubog na pamilya, nananatili silang buo at matatag.

“Thank you dahil ang pamilya natin ay buo at nanatiling mabubuti ang ating mga puso kasi puwedeng dahil sa pagsubok na ‘yon pwede kaming maging masama, meaning gumanti, i-defend ‘yung aming pamilya, but we choose to keep quiet because we know the truth and 'yun lang,” patuloy niya.

“Nanatili lang nang buo at punong-puno ng pagmamahal ang pamilya namin at 'yon ang maipagmamalaki ko talaga,” dagdag ng aktres.

Huling nagsalita si Zoren na humingi rin ng paumanhin sa kanilang kambal. Aniya, may mga pagdadaanan ang dalawa sa kanilang buhay na hindi sila makakasama ni Carmina sa lahat ng pagkakataon.

“Sorry dahil mayroon kayong mga lakbay na hindi namin kayo masasamahan. Definitely magkakaroon kayo ng battle scars sa mga puso niyo na hindi maiiwasan at wala kaming magagawa. Kung mababaw o malalim ang mga ‘yon, ganoon din tatatak sa puso namin ‘yon ng nanay niyo,” anang batikang aktor.

Sa kabila ng mga pagsubok, nagpapasalamat siya na bumabalik na ligtas ang kanilang mga anak.

“Pero thankful kami dahil sa araw-araw nakakauwi kayo nang maayos, nagkikita-kita tayo, nagkakasama tayo sa iisang bubong, nagkakaroon ng pagkakataon na nagkukwentuhan, nagtatawanan, at higit sa lahat hindi nawawala ‘yong pag-ibig sa bahay,” sabi pa ni Zoren.

Napapanood ang Legaspi family sa Kapuso Afternoon Prime series na “Hating Kapatid.”

Kasama rin sina Carmina, Zoren, Mavy at Cassy sa 2025 Metro Manila Film Festival family drama na “Rekonek.” —Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News