Isang 56-anyos na lalaki ang natagpuang patay sa dagat matapos umanong atakihin ng buwaya sa Panglima Sugala, Tawi-Tawi.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing namataang palutang-lutang ang bangkay ng lalaki sa dagat na sakop ng Barangay Dungon.

Nagtamo ng mga sugat ang lalaki sa kanang parte ng kaniyang tiyan, leeg, at hita, na paniwala ng mga tao ay galing sa kagat ng buwaya.

Mangunguha sana ang biktima ng panggatong na kaniyang ibebenta.

May hinuling buwaya ang mga residente sa lugar, na posibleng sumalakay sa lalaki.

Nagpaalala ang mga awtoridad na mag-ingat ang mga residente dahil noong mga nakaraang linggo, isa pa ang sugatan matapos ding atakihin ng buwaya. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News