Patay sa pamamaril ng salaring nakamotorsiklo ang isang punong barangay sa Tondo, Maynila. Ang kaniyang kasamahan, nasugatan matapos tangkaing hulihin ang gunman.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi na nagkakasiyahan sa gilid ng kalsada ang grupo ni Arnel Parse, chairman ng isang barangay sa Tondo dakong 8:00 p.m. nitong Miyerkules.

Hindi nagtagal, dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang huminto malapit sa grupo. Bumaba ang nakaangkas na armado ng baril at kaagad na pinaputukan nang malapitan si Parse.

Mabilis namang kumilos ang isang kasama ng kapitan na si alyas Pipe at nakipagbuno sa salarin para maagaw ang baril nito.

Pero nakapiglas ang salarin at nakatakbo.

Ang isa pang lalaki na kasamahan sa barangay, makikitang kinuha ang baril na hawak na ni Pipe na nabaril na rin pala sa likuran.

Sa isang kuha sa CCTV, nakunan ang salarin na tumatakbo at ang iba pa nitong kasamahan na nakamotorsiklo na nag-aabang na sa kanto.

Dinala sa ospital ang barangay chairman pero binawian din ng buhay.

Ayon sa anak ng biktima, marami raw natatanggap na death threat ang kaniyang ama.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pamamaril para matukoy ang pagkakakilan ng salarin. -- FRJ, GMA News