Patay na at tadtad ng saksak at taga ang isang kasambahay na babae nang makita sa basement ng pinagsisilbihan nitong bahay sa Quezon City.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Analiza Garde, na nakita sa ilalim ng labado sa isang subdivision sa Old Balara  sa nabanggit na lungsod.

Nagkalat din ang gamit sa kuwarto na tinutulugan ng biktima na nasa basement ng bahay, at may nakitang mga marka ng dugo.

Ayon sa mga imbestigador, posibleng Sabado pa pinatay si Garde pero natuklasan lang daw ng kaniyang mga amo ang krimen nitong Linggo ng umaga at kaagad na naipagbigay-alam sa pulisya.

Nitong Lunes, sinabi ng mga imbestigador na may nakita ang amo ng biktima na itak na posible raw ginamit ng hindi nakikilalang salarin sa krimen.

Lumitaw din sa imbestigasyon na may isa pang kasambahay na babae na menor de edad sa bahay na umalis at umuwi ng probinsiya noong Sabado ng umaga na itinuturing "person of interest" sa krimen, pati na ang ibang nakatira sa bahay.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen. -- FRJ, GMA News