Hindi na umano mahanap sa kanilang bayan sa Negros ang menor de edad na kasambahay na bigla umanong umuwi sa probinsya isang araw bago natagpuan ang duguang bangkay ng kapwa niya kasambahay sa isang subdibisyon sa Quezon City. Nakita naman ang bagahe ng biktima sa likod ng bahay.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing idineklara ng pulisya na "primary person of interest" na ang umalis na kasambahay sa pagkamatay ni Analiza Garde.

Linggo ng umaga nang malaman umano ng mga amo ng mga kasambahay ang nangyari kay Garde na nakitang tadtad ng saksak at taga, at nasiksik sa ilalim ng lababo ng kanilang bahay.

Pero Sabado ng umaga dakong 9:00 am, nakunan sa CCTV camera sa gate ng subdibisyon ang pagdating ng isang lalaki na sumundo sa menor de edad na kasambahay na bigla umanong umalis sa kaniyang amo para umuwi ng probinsiya.

Ayon sa guwardiya ng subdibisyon, dahil patakaran nila na kailangan mayroong "clearance" sa amo ang pag-alis ng kasambahay, tumawag siya sa may-ari ng bahay at pinayagan naman umanong paalisin ang kasambahay.

Gayunman, hindi na raw pumayag ang amo ng kasambahay na balikan at makuha ang mga gamit nito na naiwan sa bahay.

Nitong Martes ng umaga, nakausap ng mga awtoridad ang kapatid ni Garde at ikinuwento niya sa pulisya na nalaman nilang nakarating na sa Negros ang menor de edad na kasambahay.

Pero nitong Lunes ng gabi ay hindi na raw ito nakita sa kanilang lugar sa probinsiya.

Napag-alaman din sa pagpapatuloy ng imbestigasyon na sinabihan din ng menor de edad na kasambahay ang guwardiya na nawawala ang kaniyang kasamang kasambahay noong Biyernes pa lang.

Sinabi umano sa guwardiya ng menor de edad na kasambahay na gabi pa lang ng Biyernes ay umalis na rin ang kasama niyang kasambahay.

Nang madiskubre ang bangkay ni Garde noong Linggo, nakita sa likod ng bahay ang isang bag na naglalaman ng gamit ng biktima.

Sinabi sa ulat na maliban sa menor de edad na kasambahay, itinuturing din na persons of interest ang mga nakatira sa bahay kung saan nangyari ang krimen.

Tumanggi pa rin umano ang mga nakatira sa bahay na magbigay ng kanilang pahayag. -- FRJ, GMA News