Ipinagmamalaki ng Malabon ang pinakamatandang pagawaan ng siopao sa siyudad, na halos limang dekada nang pinipilahan ng mga customer.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” binisita ni Empoy Marquez ang pagawaan ng siopao nina Kuya Bistek at Nanay Digna Ursua.
Si Kuya Bistek ang nakatoka sa pagmamasa ng siopao, samantalang si Nanay Digna naman ang gumagawa ng “pagbabaston” o pagpuputol-putol ng tinapay.
Maingat na inilalatag ni Nanay Digna ang tinapay sa mesa saka ito tila pinapalo-palo at saka binibilog.
Matapos pira-pirasuhin ang mga tinapay, paninipisin ang mga ito at palalamanan ng mga timpladong asado at bola-bola, saka isasalang sa katamtamang apoy sa loob ng 10 minuto.
Samantala, tatlong hakbang lamang ang layo mula sa pagawaan ng siopao, naroon na ang pinakamasarap na pansitan sa siyudad na Valeriano’s Eatery.
Itinayo ito noong 1978 ng limang magkakapatid na babae. Sa ngayon, si Bell V. Mangali ang may-ari nito, na ipinasilip ang pagluluto ng pansit.
Kaya naman tiyak na binabalikan ng mga suki ang siopao-pansit combo nina Kuya Bistek at Nanay Digna Ursua, at Ate Bell.
Tunghayan sa video kung papaano ginagawa ang siopao nina Kuya Bistek at Nanay Digna Ursua, at ang pancit sa Valeriano’s Eatery. Panoorin. – FRJ GMA News
