Laking gulat na lamang ng isang mag-asawang senior citizen nang datnan nila ang kanilang bahay sa Caloocan City na bukas na ang mga pinto at puwersadong binuksan. Nilooban pala ang kanilang tirahan, kung saan aabot sa P150,000 halaga ng pera at mga gamit ang natangay.
Sa GMA News "Unang Balita" ni Victoria Tulad, sinabi ni Benny Ortega, Executive Officer ng Barangay 175 sa Camarin na isang kapitbahay daw ang nakakita sa dalawang lalaking nanloob sa bahay noong nakaraang Biyernes, na akala niya noong una ay mga bisita lamang.
Galing noon sa isang mall ang mag-asawa, nang magulat ang misis na bukas na ang mga pinto ng bahay at nakalabas na ang mga aso.
"Pag-uwi namin dito sa bahay namin, pagbaba namin ng tricycle, nasa labas na po yung mga aso namin. Tapos nagulat ako, bakit nakalabas yung mga aso namin. Pagtingin ko sa gate namin, nakabukas na ma'am. Yun pala, pagpasok ko sa bahay namin, wala na yung mga gamit namin," aniya.
Kabilang sa ninakaw ng mga suspek ang 48-inch TV, mga ATM card at cash na P2,000 ng mag-asawa. Bukod dito, bukas din ang pinagtataguan ng kanilang mga alahas.
"Hanggang ngayon ma'am, hindi ako makakain, hindi ako nakakatulog kasi siyempre naaalala ko yung mga nawala sa amin, pinundar namin yon. Hindi ko nga sinusuot yung mga alahas ko... iba pala ang kukuha," naiiyak na sabi ng misis.
"Yung kinuha nila sa amin, ipakain nila sa pamilya nila, makonsensya sila," sabi ng mister.
Kwento pa ni Ortega, nagsilbing lookout daw ang isa sa mga lalaki. Matapos ang ilang sandali, nakita na lang daw ng kapitbahay na umalis na ang dalawang lalaki nang naka-motor.
Nahagip naman ng CCTV ang dalawang lalaki, ngunit ayon kay Ortega, wala raw nakakaalam ng kanilang pagkakakilanlan.
"Nakita ho nila yung pagpasok dito, akala daw bisita. Ngayon, patay malisya sila, noong lumabas na ho, yung malapad na TV, nakagitna ho rito," ayon kay Ortega.
Isa pang insidente ng pagnanakaw ang nangyari rin sa Barangay 175 noon lamang nakaraang linggo. — Jamil Santos/MDM, GMA News
