Ilang araw matapos ang bakbakan sa main battle area sa Marawi, may misteryosong tunog na tila sigaw ng babae ang nairekord sa isang video. Paniwala ng ilang Muslim, maaaring ang tinig ay mula sa tinatawag nilang "Djinn."

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho," nitong Biyernes, ipinakita ang video footage sa pagpasok ng ilang mamamahayag sa main battle area.

Makikita sa video ang mga sunog at gumuhong gusali na dulot ng matinding bakbakan ng mga Maute-ISIS at tropa ng gobyerno.

Sa naturang lugar daw nasawi ang karamihan sa mahigit 50 sibilyang nadamay sa bakbakan o kaya naman ay pinatay ng mga terorista.

Pero habang kinukunan ang isang nasunog na gusali, may narinig na kakaibang tunog na tila pagsigaw ng isang babae.

Nagtaka ang kumuha ng video na parang siya lang ang nakarinig ng kakaibang tunog na muling naulit ilang segundo lang ang lumipas.

Ayon sa ilang Muslim, may paniniwala sila tungkol sa mundo ng mga hindi taga-lupa, o kung tawagin ay mga "Djinn," o mga nilalang na kasabay ng tao at mga hayop ay nilikha ni Allah.

Kung ang tao umano ginawa mula sa liwanag, ang mga Djinn ay mula sa usok at apoy.

Sabi ni Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng Provincial Crisis Management Committee, ang mga Djinn na naaakit sa mga negatibong puwersa ang maaaring naririnig sa lugar.

Sinabi naman ng isang impormante sa militar na mayroon din umanong mga sundalo ang nakakarinig din ng mga boses ng babae tuwing gabi na pawang humihingi ng tulong kahit ilang araw na natigil ang bakbakan at wala nang sibiliyan sa main battle area. -- FRJ, GMA News