Nangangailangan ngayon ng tulong ang dating child star na si Fredmoore delos Santos nang mahirapan siyang gumalaw at magsalita matapos ma-stroke.

Sa teaser ng upcoming episode ng “Wish Ko Lang” na mapapanood sa Sabado, binalikan ng kaniyang misis na si Jennifer kung paano niya nadatnan na tila walang malay sa banyo si Fredmoore.

“Paharap sa toilet nakaluhod siya, tapos ‘yung left hand niya nakalubog na sa loob ng bowl, tapos naka-ganiyan (tingala) siya. Tapos ‘yung dila tsaka mata niya, kulay puti na. Pagpulso ko sa kaniyang ganu’n, wala na siyang pulso,” sabi ni Jennifer.

Ayon kay Fred, gusto pa niyang makabalik sa showbiz.

“Sobrang nami-miss ko. Mahal na mahal ko ang showbiz,” sabi ng hirap na magsalita na si Fred, na napanood noon sa popular youth-oriented variety show na “That’s Entertainment.”

“Marami akong pangarap pero wala na akong magagawa kasi baldado na ako eh,” sabi pa niya.

Sa kabila ng kanilang kalagayan, nagpapakatatag ang asawa ni Fred na si Jennifer.

“Sabi ko sa kaniya, ‘Huwag kang malungkot. Kaya natin ‘to.’ Kahit ano pang mangyari, nandito lang ako sa tabi mo parati. Hindi kita pababayaan,” mensahe ni Jennifer kay Fred.

Tunghayan sa Wish Ko Lang sa Sabado ng 4 p.m. ang buong kuwento ni Fred, at ang muli nilang pagkikita ng mga dati niyang kasamahan sa That’s Entertainment.

FRJ GMA Integrated News