Nagliparan ang mga bote sa kalsada sa Santa Cruz, Maynila nitong Miyerkoles ng madaling araw nang magsagupa ang ilang grupo ng kabataan matapos ang misa sa Simbang Gabi. Ang pinagmulan daw ng gulo, ang masamang titigan.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras nitong Biyernes, mapanonood ang viral video sa social media ng batuhan ng mga bote ng ilang mga kabataan sa gitna ng Quezon Boulevard.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras nitong Biyernes, mapanonood ang viral video sa social media ng batuhan ng mga bote ng ilang mga kabataan sa gitna ng Quezon Boulevard umaga ng Miyerkoles.
Dahil sa kaguluhan, walang motorista na nangahas na dumaan sa takot na tamaan.
Ayon sa barangay, nangyari ang insidente matapos magsimbang gabi sa Quiapo Church ng mga kabataan na kasali sa gulo.
Dalawang araw na umanong magkasunod na nagkaroon ng riot ang mga kabataan sa kaparehong lugar.
Ngunit ayon sa barangay, mabilis ding naawat ang mga kabataan dahil may mga pulis na nakapuwesto sa Plaza Miranda. Sa kabutihang palad, walang mga motorista at mga tao na nadamay sa gulo.
“Wala pang one hour kasi na-respondehan po kaagad ng mga pulis natin dito sa Plaza Miranda kaya natigil kagad sila. ‘Yung iba hindi naka-uniform para hindi mahalata na may nakabantay,” sabi ni Venerando Jangalay, ex-o ng Barangay 307.
Dalawang kabataan ang nahuli sa unang araw ng kaguluhan at lima naman sa ikalawang araw. Mga pawang menor de edad ang hinuli kaya sila dinala sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development.
“Kasi ‘yun din ang kuwento ng batang nahuli namin. Nagkatitigan lang daw sila, magkabila silang grupo. Mayroon po silang dalang payong tapos may palaman. May dala silang kutsilyo sa loob ng payong. Kaya ang palatandaan namin, ‘pag may dala silang payong, sinisita namin Kasi ‘yung payong, ‘pag nakahawak ang payong, ‘di mo makikita. ‘Yun pala, may matalas doon sa loob,” sabi ni Jangalay.
Mas dadalasan pa umano ng barangay ang pag-iikot at pagbabantay sa lugar kasama mga pulis para hindi na maulit pa ang nangyaring riot. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
