Laking gulat ng isang lalaki sa Bulacan nang makita niya na may ahas na nakatambay sa palamuting star sa tuktok ng kanilang Christmas tree.

Sa ulat ni Kuya Kim sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, ikinuwento ni Renz Santos na una nilang napansin na may kakaibang nakapatong sa nakalaylay na star na nagsisilbing palamuti sa tuktok ng kanilang Christmas tree.

“Napansin namin na ‘yung Christmas star sa Christmas tree is nakahapay. Nung aayusin na namin, dun na namin napansin na may something dun sa ibabaw nung star, which is a snake pala. ‘Yung Christmas tree is kakulay niya. Maganda ‘yung pattern nung balat niya and shiny siya,” ayon kay Renz.

Matapos niyang i-post ang larawan ng ahas sa isang Facebook group na patungkol sa mga ahas sa Pilipinas, doon niya nalaman na isang paradise flying tree snake ang naligaw sa kanilang Christmas tree.

“Isa sa natutunan ko dun sa group is treat every snake na venomous until ma-ID mo siya. So hindi ko siya hinandle. Gumamit ako ng mahabang stick,” kuwento niya.

Sinabi ni Renz na ligtas niyang ibinalik ang ahas sa pinanggalingan nito.

Ayon pa sa kaniya, malapit ang kanilang bahay sa palayan at katapat ng bakanteng lote na may makapal na mga halaman. Kaya naman posible umanong may mga ahas na naninirahan sa kanilang lugar.

Ipinaliwanag ng herpetologist na si Kyle Tamayo, na ang mga flying snake ay hindi talaga lumilipad kundi dumadausdos sa ere sa pamamagitan ng paglapad ng kanilang katawan upang makalipat mula sa isang puno patungo sa iba.

“Sila ay mildly venomous. Para lang sa mga maliliit na hayop,” dagdag niya.

Ayon kay Renz, may isa pang ahas na namataan malapit sa kanilang balkonahe kaya ibinigay niya ang parehong paalala sa kaniyang nakababatang kapatid na babae.

“Ang takeaway ko doon is lagi din nating isipin na ang mga snake, hindi din lahat diyan, venomous. And same as humans, meron din silang right na mabuhay so let’s respect that. Hindi porke’t ahas ‘yan kailangan nating patayin,” saad niya. — FRJ GMA Integrated News